“Hindi na ako maghahanap pa ng iba. Ikaw lang ang babae sa buhay ko. Kahit pa nga hindi ko alam kung saan ako tungo.”
Heto na naman siya. Dito mismo kung saan nagsimula ang lahat, nakatanaw sa lawak ng kawalan na tila inaarok ang ‘di makita sa dako pa roon. Ilang araw na rin siyang nagpapabalik-balik dito ngunit wala pa rin. Malinaw pa sa kanyang isipan magpahangga ngayon ang mga piraso ng mga alaala. Mga alaalang nagpapabalik ng mga mumunting kislot sa pagitan ng kanyang mga labi upang damhin ang ligayang naidulot ng mga iyon. Ngunit ngayon, ang mga alaalang ito ang siya ‘ring tumuturok ng malahiganteng punyal sa kanyang puso.
Ah, parang kailan lang ang mga alaalang iyon. Mga panahong labis na nagpaligaya sa kanyang limitadong mundo. Isang panahon na may biglang nagbukas ng ilaw sa malamlam niyang buhay. Hindi sinasadya, at hindi rin niya kagustuhan, basta nangyari lang.
Walang malay ang gabi. Wala itong kaalam-alam na sa mga oras na iyon ay dalawang kaluluwa ang nakatakdang magtagpo. Hindi sinasadyang isang namimighating nilalang ang naghanap ng katiwasayan sa kanyang payapang sabsaban.
Dito nag-ugat ang lahat. Ang mga sumunod na araw ay tila buhay na laan sa paraiso. Sa kanilang matahimik na palitan ng mga salita’y isang unawaan ang namulaklak. At, nagbunga ito ng mas matingkad at matimyas na samahan.
Mula roon, nagsimula siyang humabi ng pangarap. Marahan niyang sinubaybayan ang pagkabuo nito sa bawat paghakbang ng araw. Kanya itong inaruga hanggang sa ito’y maging ganap. Sa kabila nito, hindi pa rin niya maiwasang mangilag. Paano kung hindi pa pala dapat? Paano kung hindi pa sapat ang panahon? Paano kung mali pala ang mga pahiwatig? Paano?
‘Di niya mawari kung bunga nga ng katapangan, isang gabi’y walang pakundangan niyang ipinagkanulo ang kanyang sarili, ang kanyang nararamdaman. Isang linyang hindi pa niya natatawid kailanman ang sinimulan niyang bagtasin. At kay sarap pala sa pakiramdam oras na marating mo na ang kabilang ibayo. Mula sa pakikipagkaibigan, nauwi ang lahat sa mas matamis na pag-iibigan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, binuksan niya ang mahiwagang pintuan ng pag-ibig. Wala mang kasiguruhan, nagmahal siya, nagtiwala. Saksi ang mga tala nang kanyang sinambit ang sumpa ng katapatan. Walang oras na hindi niya nadama ang dalisay na apoy na dumaloy sa kanyang kamay mula nang unang madampian ito ng palad ng sinta. Walang sandali na hindi niya pinanabikan ang malambot na labing minsang buong timyas na nagpadama ng kawalang-hanggan.
Lingid sa kayang kaalaman, o tumanggi lang siyang pansinin, unti-unting nagbago ang kanyang mga pananaw. Nalimutan niyang ang lahat ng bagay ay may katapusan. Kaya’t buong puso at walang pag-aalinlangan niyang binigay ang kanyang oras at buhay sa minamahal. Ang kanyang mga paa’y tila humahakbang sa mga ulap, lumulutang, walang muwang. Dahan-dahang lumiit ang dati nang makitid niyang mundo. Hanggang sa uminog na lang ito sa iisang tao. Hanggang sa maging siya ay nawala sa kanyang sariling daigdig.
Kung kanya lamang babalikan ang dati, kung kanya lamang napigilan ang takbo ng mga pangyayari, hindi sana siya nagdurusa ng ganito. Nakaligtaan niyang ang mga pangako ay maaaring mabali at tuluyan nang masira. Siya man ay nakaranas ng pagkabulag sa kagustuhang tuparin ang kanyang sumpa na magiging tapat. Hindi niya pinakinggan ang dikta ng kanyang utak. Lahat ng naganap ay kagustuhan (o kapritso?) ng pusong umiibig. Sa huli, siya ay naging alipin ng sariling damdamin.
Hindi niya alintana ang kapighatiang dulot ng paglalakbay sa alapaap. Ang alam niya ay masaya siya sa pagdurusa dahil nagdurusa siya para sa kanyang mahal.At, ‘yun ang akala niyang makapagbibigay sa kanya ng kaligayahan. Ngunit, siya ay isa lamang karaniwang mortal na nagkakamali rin. Nang mga panahong iyon, ‘yun ang akala niyang tama.
Parang isang bangungot, nagising siya isang gabing nananaghoy, tumatangis sa kalumbayan. Sa kabila nito, sinikap niyang isaayos ang lahat. Nagpatuloy siya sa paghihintay gayong ‘di niya alam kung mayroon pa ngang babalik. Nanatili siyang tapat. Nanatili siyang nagmamahal. Gumigising siya sa umagang tila laging nasisikatan ng araw kahit pa natatabunan ng ulap ang kanyang mga mata. Pinilit niyang itakwil ang anumang agam-agam na nabubuo sa kanyang puso. Hindi, hindi siya susuko, ang kanya na lamang nasambit. Ipaglalaban niya ang kanyang pag-ibig.
Maligaya siya, oo. May mga panahong masasabi niyang siya ay naging tunay na maligaya. Kaligayahang nauwi sa kasinungalingan. May kung ano sa kanyang loob na nagnais kumawala, sumabog. Hanggang sa ang pisi ng saranggolang buong ingat niyang hinahawakan ay numipis. Sa ilang saglit, tuluyan na itong mauubos.
Tumindi ang tama ng araw sa kanyang bumbunan. Nanuot ang init sa kanyang katinuan. Kahit pag-iisip ay hindi na niya magawa. Hindi na niya magawang isiping lumisan na. Nanatili siya sa sa kanyang kinaroroonan, ninanamnam ang bawat sandaling wala siyang nararamdaman. Hanggang sa unti-unti nang yumuko ang araw upang halikan ang pisngi ng namamalaking mga bundok sa may paanan ng dagat.
Nagkulay kahel na ang mga ulap. Maya-maya pa’y makukumutan na ng kadiliman ang kalawakan. Maya-maya pa’y kailangan na niyang lumisan. Sa pagdalaw ng baha sa kanyang magkabilang pisngi, napagtanto niyang wala na ang azul na langit. Wala na. Nagkasya na lamang siya sa piping panalangin na sana sa muling pagbabalik nito’y ‘wag umulan.

No comments:
Post a Comment