Katulad ng iba
Katulad rin nila!
Aalis ka rin
patungo doon
Sa kung saan ka man pupunta
Kagaya nila,
isa ka ring manlalakbay
Na napadaan lang
sadya man o hindi
At darating ang araw na ika'y aalis
magpaalam ka man o hindi
Ngunit...
Patutuluyin pa rin kita
Sa kabila ng di kasiguruhan
Sa kabila ng katotohanang
di ko naman maunawaan
At pasensya na
kung hindi kita ipaghahanda
Hayaan mo munang
magpakasaya tayo...
magkuwentuhan
magbiruan
magtawanan
Hindi muna kita ipaghahain ng ulam
Hindi muna kita ipaghahanda ng unan
Namnamin natin ang bawat
pag-usad ng kamay ng orasan
Dahil batid kong...
bago magtakipsilim,
kasabay ng paglaho ng liwanag
ang anino mo'y
di ko na matatanaw
kahit man lang sa kanluran
Alam kong
ang kasayahan
kuwentuhan
biruan
tawanan
Ay kasama mong lilisan
Bago lumubog ang araw
Isinulat nuong ika-8 ng Marso, 2007, Araw ng mga kababaihan, Lucban, Quezon
No comments:
Post a Comment